Tuesday, 1 November 2011

Manunulat

Ang manunulat ay mandirigma,
Magiting at dakila
Moog ng katapangan at pag-asa

Sa mga pahinang kanyang nilikha'y
Nakasaad mga kartilya ng tunay na mandirigma.

Ang manunulat ay pintor
Ng makulay na dibuho
Bahaghari ng pagdurusa
Sa pinsel ay paglalaho
Sa bawat larawang kanyang ginuguhit,
Doon nakagalak mga hinagpis sa dibdib.

Ang manunulat ay nanaliksik
Bawat sulok ng lipuna'y kanyang sinuong
Mulat siya sa katotohanan
At di nabibili ang kanyang paninindigan.

Ang manunulat ay isang magulang
Na kumakalinga sa mga karapatan
Ng mga dukhang ginapi ng mga linsil sa lipunan
Sariling dugo'y iaalay sa digma para sa bayan
Sapagkat siya'y naninindigan sa pagkamit ng kalayaan

Ang manunulat ay isang bayani
Nagtatanghal siya ng pag-asa sa dilim
Liwanag ng kanyang pananalig ay tanglaw sa iba
Isang bantayog na dalisay, matapang, at dakila.

No comments:

Post a Comment